ROLETA NG KADAYAAN
Kung magkakaroon lang
siguro ng hugis ang kadayaan, malamang ay bilog ito. Paulit-ulit na anggulo at
umiikot na sistema…walang katapusan.
Sa pagmulat ng mata mo ay
matatanaw mo na ang unang kadayaan sa mundo: ang hindi patas na estado sa buhay
ng mga tao. Kung ang alagang aso ng kapitbahay nyo ay kumakain ng dog food na may
halagang katumbas ng sweldo ng Tatay mo tuwing kinsenas ay mararamdaman mong
nadaya nga kayo sa pagpaparte ng kayamanan.
Patuloy na kadayaan pa rin
ang sasalubong sa iyo sa pagpasok mo sa inyong klasrum. Sa unang pagkakataon ay
ngingitian at kakausapin ka ng seatmate mo dahil midterm nga pala, samantalang imbes na magreview sya kanina ay
panay text sa boyfriend nya.
Pagsilip mo naman sa mga kaklase mong paboritong upuan ang mga huling bangko
tuwing may pagsusulit ay pagsisisihan mong dalawang oras ka lang nakatulog,
dahil hawak nila ang mga notes at patagong sumisilip doon.
Pero kung inaakala mong
hari na sila sa kadayaan ay nagkakamali ka, tatalunin sya ng mismong propesor
nyo. Kaya nyang magbigay ng gradong uno sa mga madalas pumuri sa kanyang bagong
bag o sapatos at doon sa mga estudyanteng daig pa ang mga parasitiko kung
‘sumipsip’. Hindi pa nachecheck-an ang mga papel nyo ay may grado na sila, ang daya diba?
*****
Ilang lingo pa lang ang
nakakalipas ay lumuwas kami ng kapatid ko papuntang Olongapo. Nakatulog ako sa
biyahe kaya akala ko noong bababa na kami ay susunduin kami ni Lola sa
terminal, mali pala, ihahatid nga pala namin sya sa kaniyang huling hantungan.
Napakadaya ko. Habang
nagrorosaryo kami para sa kaluluwa ni Lola ay kinukurot ko pa rin ang sarili
ko, ginigising sa isang bangungot, dahil hanggang sa huli ay ayaw magpatalo ng
utak ko sa reyalidad.
Minsan kahit ayaw mo,
sasagi sa isipan mo na sa dinami-dami ng mga masasamang tao, bakit ang isang
mabuting tao pa ang kailangang mawala?
*****
Hindi ko na rin siguro
kinakailangan pang kaladkarin ang salitang kadayaan sa pulitika dahil
nakakasigurado ako na hindi sasapat ang papel na ito para isulat ko ng ilang
beses ang unang natutunang linya ng mga talunang pulitiko na ‘nadaya ako e’.
*****
Hindi magiging ganap na
kadayaan ang isang bagay hanggat walang naaargabyado at walang matapang na
taong handang magreklamo. Bilang pagtatapos, nais kong ibahagi ang natutunan ko
sa mga oras na sinusulat ko ito. Ang pagkakataon, panahon at mga taong
nakapaligid sa atin ay hindi lubos na madaya, ang totoong salarin ay ang utak
natin at ang mga bagay na tumatakbo rito.
Wala akong ideya kung ano
ang magiging reaksyon mo matapos basahin ang kolum na ito. Gayunpaman, wala
kang magagawa, madaya ako.
No comments:
Post a Comment